Mula Hulyo 22 hanggang Hulyo 27 ay inilunsad ang Brigada Eskwela, ito ay taunang programa ng DepEd na naglalayong ihanda ang mga paaralan bago ang pasukan katuwang ang mga miyembro ng komunidad sa paglilinis at pag-aayos.
Bilang isang ahensiyang sumumpang maghahandog ng Serbisyong may Malasakit, ang Baliwag Water District ay nakiisa sa Brigada Eskwela 2024 na may temang “Bayanihan para sa Matatag na Paaralan”. Ang BWD ay nagkaloob ng mga cleaning materials sa anim na paaralan na humiling sa kanilang tanggapan. Ang mga paaralang nabiyayaan ay kinabibilangan ng Baliwag North Central School, Makinabang Elementary School, Dr. Guillermo Dela Merced Memorial School, Virgen Delas Flores Elementary School, Virgen Delas Flores High School, at Sto. Niño High School. Ang mga paaralang ito ay nakatanggap ng mga kagamitan tulad ng walis, dustpan, mop, at iba pang gamit na makatutulong sa paglilinis at pagpapanatili ng kalinisan sa kanilang mga silid-aralan at kapaligiran.
Ang pagtulong na ito ay bahagi ng patuloy na suporta ng Baliwag Water District sa edukasyon at komunidad. Layunin ng kanilang tulong na mapabuti ang kalagayan ng mga paaralan at masiguro na ang mga estudyante ay magkakaroon ng malinis at maayos na silid-aralan.
Ang bawat paaralan na natulungan ay nagpabatid ng kanilang pasasalamat sa mga ipinaabot ng BWD para sa kanila. Ayon sa mga guro, ito ay malaking tulong para sa kanilang paghahanda sa darating na pasukan. Ang Baliwag Water District ay nagagalak rin sa pagiging bahagi ng Brigada Eskwela at sisikapin na patuloy na susuporta sa mga ganitong gawain sa hinaharap.