Bawat taon, ating ginugunita ang
World Water Day upang mapataas ang kamalayan tungkol sa mahahalagang isyu na may kaugnayan sa tubig at upang hikayatin ang aksyon sa paglaban sa krisis sa tubig at sanitasyon. Ang tema para sa World Water Day 2025 ay
"Bayanihan sa Katubigan, Krisis sa Klima Labanan," ito ay bilang pagbibigay-diin sa kahalagahan ng sama-samang pagkilos sa pagharap sa mga hamon sa tubig sa gitna ng lumalalang krisis sa klima. Pinapahalagahan nito ang diwa ng bayanihan at pagtutulungan ng mga Pilipino sa pangangalaga ng ating yamang tubig at kapaligiran.
Para sa taong ito ay nagsagawa ang Baliwag Water District (BWD) ng clean-up drive at tree-planting activity noong Marso 24, 2025 sa pampang ng ilog sa Barangay Poblacion. Ang mga aktibidad na ito ay naglalayong isulong ang pangangalaga sa kalikasan at kapakanan ng komunidad. Bilang bahagi ng inisyatiba, lahat ng kagamitan para sa paglilinis ay ipinagkaloob sa komunidad upang hikayatin ang patuloy na pangangalaga sa kapaligiran. Malaki ang naitutulong ng mga simpleng gawaing ito sa pangangalaga ng tubig, pag protekta sa likas na yaman, at pagbawas sa epekto ng pagbabago ng klima. Bukod dito, pinahusay din nito ang kaligtasan at kalusugan ng mga residente sa paligid sa pamamagitan ng pagbawas ng polusyon, pagpapabuti ng kalidad ng hangin, at pagpapalago ng mas luntiang kapaligiran.
Ang Baliwag Water District (BWD) ay nakipagtulungan sa Baliwag City Environment & Natural Resources Office (CENRO),JCI Baliwag Buntal, mga mag-aaral at guro ng Dalubhasaang Politekniko ng Lungsod ng Baliwag, mga opisyal ng barangay, at mga miyembro ng lokal na komunidad upang matiyak ang matagumpay na pagsasagawa ng proyektong ito. Sa pamamagitan ng matibay na ugnayan at koordinasyon, naisakatuparan nang maayos ang clean-up drive at pagtatanim ng puno, na nagbigay ng pinakamalaking epekto sa kapaligiran at sa humigit kumulang labing isang libong (11,000) mamamayan naninirahan malapit sa ilog.
Sa pamamagitan ng mga ganitong proyekto ay nawa’y naging halimbawa at inspirasyon ito sa mga mamamayan. Ang pinagsama-samang pagkilos ay may malaking epekto sa pagpapabuti ng kapaligiran at buhay. Patuloy na sisikapin ng BWD na gumawa ng iba’t ibang mga programa na makakatulong sa pagprotekta sa kalikasan at maghandog ng Serbisyong may Malasakit sa bawat mamamayan.