Dumalo si Engr. Ma. Victoria E. Signo, General Manager ng Baliwag Water District, sa isang mahalagang courtesy visit na pinangunahan ni Senior Deputy Speaker Hon. Aurelio “Dong” D. Gonzales Jr. ng LEDAC upang talakayin ang mga isyung kinahaharap ng mga water district sa bansa at ang layunin ng pagkakaroon ng pambansang seguridad sa tubig.
Ang naturang pagpupulong ay naglalayong palakasin ang koordinasyon ng mga ahensya at sektor ng tubig sa buong bansa, at isinusulong din ang panukalang pagtatatag ng Department of Water Resources, isang hakbang na suportado ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang mapabuti at mapadali ang pamamahala sa yamang tubig ng Pilipinas.
Kasama ni Engr. Signo ang ilang mga pinuno mula sa iba’t ibang water districts at organisasyon, kabilang ang mga kinatawan mula sa Philippine Water Works Association (PWWA), Palayan City WD, Alitagtag WD, at PAWD. Ang kanilang presensya ay nagpapakita ng pagkakaisa ng sektor ng tubig sa pagtugon sa mga hamon ng panahon ukol sa suplay, kalinisan, at pamamahala ng tubig sa bansa.
Ang aktibong partisipasyon ni Engr. Signo ay patunay ng kanyang dedikasyon na mapangalagaan ang kapakanan ng mga mamamayan ng Baliwag sa pamamagitan ng mas epektibong serbisyo at patuloy na pakikiisa sa mga pambansang inisyatibo para sa water security.