Castillejos Water District Bumisita para sa Benchmarking Activity

Upang mapalakas ang kakayahan sa pamamahala ng suplay ng tubig at masiguro ang episyenteng operasyon, bumisita ang Castillejos Water District (CWD) sa Baliwag Water District (BWD) upang isagawa ang  Benchmarking ukol sa pamamahala ng Non-Revenue Water (NRW) at ng pump at motor nitong Setyembre 3, 2025. Itinampok sa aktibidad ang mga presentasyon nina Engr. Joel G. Mestidio at G. Rodolfo S. Cruz, na nagbahagi ng kanilang kaalaman at karanasan hinggil sa mga epektibong pamamaraan upang mapababa ang antas ng NRW at mapahusay ang operasyon ng water production sa pamamagitan ng tamang pamamahala ng pump at motor. Ang buong programa ay pinangasiwaan ng Training and Development Department ng BWD, na nagsilbing pangunahing katuwang sa pagpapalawak ng kaalaman at pagpapaunlad ng kasanayan ng mga kawani ng distrito at ng mga bumibisita dito. Ayon sa pamunuan ng Castillejos Water District, ang ganitong uri ng benchmarking ay mahalagang hakbang upang mapanatili at mapahusay ang kalidad ng serbisyong ibinibigay sa publiko. Inaasahan na sa pamamagitan nito ay higit pang mapagtitibay ang pangako ng distrito na maghatid ng ligtas, sapat, at maaasahang suplay ng tubig sa komunidad.