Iginawad ng Civil Service Commission (CSC) Region 3 ang Gawad Pagasa Award – Group Category sa Management Information Services Division (MISD) ng Baliwag Water District (BWD) sa idinaos na Gawad Lingkod Bayani Regional Recognition Rites noong Setyembre 10, 2025 sa Kingsborough International Convention Center, Lungsod ng San Fernando, Pampanga. Ang nasabing pagkilala ay dinaluhan ng mga iginagalang na mga kawani ng CSC tulad ni Commisioner Atty. Luis Meinrado C. Pañgulayan, CESO I at mga direktor mula sa CSC Region III. Ang Gawad Pagasa Award ay iginagawad sa mga natatanging empleyado ng pamahalaan na nagpakita ng kahusayan, malasakit, at malikhaing kontribusyon para sa mas epektibong paglilingkod publiko.
Sa pangunguna ni Gng. Eloisa E. Ramos, kasama sina G. Cristom E. Lumaban, G. Carlo E. Cruz, G. Aldrin T. Igna, at G. Mike Jeffrey C. Agustin, kinilala ang MISD sa kanilang mahalagang inisyatibo at inobasyon na nagdulot ng malaking benepisyo sa BWD at mga konsesyonaryo nito. Kabilang sa kanilang mahalagang nagawa ang paglikha ng mga makabagong sistema na nagpabilis at nagpahusay sa serbisyo ng BWD. Tatlong pangunahing sistema na ngayon ay sumusuporta sa halos 90% ng operasyon ng ahensiya. Una, ang Executive Management Information System na binubuo ng Geographical Information System (GIS) para sa spatial analysis at hydraulic modeling, Supervisory Control and Data Acquisition (SCADA) para sa real-time monitoring at kontrol ng pumping stations, at Integrated Data Management System para sa pinagsama-samang datos at pagsusuri mula sa iba’t ibang departamento. Ikalawa, ang Customer Relations Management Information System (CRMIS) na sumasaklaw sa buong proseso ng serbisyo mula aplikasyon ng koneksyon at pagbabayad hanggang sa pamamahala ng relasyon sa customer at disconnection. Kabilang dito ang Queuing System para sa walk-in clients, New Connection Application para sa online at personal na request, Customer Care System para sa reklamo at katanungan, Billing and Collection System, Mass Messaging System para sa abiso, API na konektado sa online payment partners, at Read-and-Bill Mobile Application para sa real-time meter reading at data transmission. Ikatlo, ang Enterprise Resource Management Information System (ERMIS) na nagbibigay ng kabuuang pamamahala sa Customer Data Management, Human Resource Management Information System, Asset Management System, Financial Management System na sumusunod sa national government accounting standards, Procurement Management System, at Water Facilities Monitoring System na nagtitipon ng datos sa pumping stations, pipelines, at water workflows.
Ang mga sistemang ito ay nagbukas ng bagong yugto para sa episyente, mabilis, at makabagong serbisyo publiko. Sa pamamagitan ng mga sistemang teknolohikal na sumasaklaw sa pamamahala ng datos, real-time monitoring ng operasyon, mas pinadaling transaksyon para sa mga customer, at mas maayos na pagsubaybay sa mga asset at pasilidad, napalapit ang ahensiya sa bawat mamamayan. Pinataas na nito ang kalidad ng serbisyo, nagbigay pa ito kapanatagan at kaginhawaan sa mga konsesyonaryo sa pamamagitan ng agarang paghahatid ng mahalagang abiso at water bill. Sa kabuuan, ang mga proyekto ng MIS Division ay patunay ng kanilang dedikasyon sa tapat na paglilingkod-bayan at modernong pamamahala, na nagsisilbing inspirasyon at modelo para sa iba pang ahensiya ng gobyerno sa pagtahak sa landas ng makabagong serbisyo publiko.