Benchmarking sa GMA Water District Tungo sa Pagpapabuti ng Sebisyo

Bilang patunay ng patuloy na pagsusumikap ng Baliwag Water District (BWD) na mapabuti ang bawat aspeto ng kanilang operasyon at serbisyo, nagsagawa ito ng Benchmarking Activity sa General Mariano Alvarez Water District (GMA WD) noong Nobyembre 4, 2025. Layunin ng aktibidad na ito na pag-aralan at matutunan ang mga best practices ng GMA WD, sa pagpapatupad ng Integrated Management System na kinapapalooban ng Quality Management Systems (QMS), Environmental Management Systems (EMS), at Occupational Safety and Health Standards (OSHS). Sa kasalukuyan ang BWD ay may certification para sa Quality Management System. Magiliw na tinanggap ng General Manager Juliet M. Nacita at ng mga mahuhusay na kawani ng GMA WD ang delegasyon mula sa Baliwag. Ibinahagi nila ang mga epektibong pamamaraan, sistema, at polisiya na nakatulong sa kanila upang mapanatili ang mataas na antas ng kalidad ng serbisyo, kaligtasan ng mga empleyado, at pangangalaga sa kapaligiran. Ang naturang aktibidad ay nagsilbing mahalagang pagkakataon upang makapagbahaginan ng kaalaman, karanasan, at inobasyon sa larangan ng pamamahala sa mga water district. Bukod sa pagpapalalim ng teknikal na kaalaman, layunin din ng benchmarking na mapalakas ang kolaborasyon sa pagitan ng mga water districts. Dumalo mula sa BWD sina General Manager Ma. Victoria E. Signo, Ms. Eloisa E. Ramos, Atty. Jose Angelo P. Pagkanlungan, Mr. Rodolfo T. De Leon, Engr. Norman P. Ragil, Ms. Jennielyn P. Santiago, at iba pang mga kasapi ng ISO Team. Sa kanilang pagbisita, binigyang-diin ng grupo ang kahalagahan ng patuloy na pagpapahusay ng sistema at proseso upang matiyak ang maaasahan, ligtas, at de-kalidad na serbisyo sa mga konsesyonaryo ng Baliwag. Sa pagtatapos ng aktibidad, nagpaabot ng pasasalamat ang BWD sa GMA WD sa kanilang mainit na pagtanggap at pagbabahagi ng mga mahahalagang kaalaman. Ang nasabing benchmarking ay magsisilbing gabay sa mga susunod na inisyatiba ng Baliwag Water District tungo sa mas sistematiko, mas episyente, at mas makataong serbisyo para sa lahat ng mamamayan ng Baliwag.