Tatlumpu’t Pitong Taon na Agos ng Pagtatagumpay

Isang makabuluhan at masiglang pagdiriwang ang idinaos ng Baliwag Water District (BWD) noong Hulyo 1 bilang paggunita sa ika-37 taon ng tapat at mahusay na paglilingkod sa mga mamamayan ng Baliwag. Tampok sa selebrasyon ang pagpapasinaya ng mga bagong pasilidad, pagkilala sa mga katuwang sa serbisyo, at pagpapatibay ng pangako ng BWD na patuloy na maghatid ng ligtas, sapat, at dekalidad na suplay ng tubig para sa bawat pamilyang Baliwagueño.

Naging sentro ng pagdiriwang ang mga proyekto at programa na magpapalakas sa imprastraktura ng BWD at magbibigay ng mas maaasahang serbisyo sa lumalaking komunidad. Kasabay nito, pinagsaluhan ng mga opisyal, empleyado, mga panauhin, at mga stakeholder ang mga tagumpay na bunga ng tatlong dekada at pitong taong dedikasyon at malasakit sa publiko.

Pagpapasinaya ng mga Bagong Pasilidad at Paglagda sa kasunduan sa pagitan ng BWD at Water.Org

Mas naging makahulugan ang pagdiriwang sa pagpapasinaya ng tatlong mahahalagang proyekto ng BWD — ang B.S. Aquino Pumping Station, Sabang-Carpa Pumping Station, at ang “Groundbreaking” ng BWD Water Infiltration Gallery sa Barangay Sta. Barbara.

Gayundin, isa sa mga tampok na bahagi ng pagdiriwang ay ang paglagda sa kasunduan at pagtanggap ng BWD sa isang “Grant” na ipinagkaloob ng Water.Org. Nilalayon ng kasunduan at ng programang ito na mapag-aralan at makagawa ng mga kaukulang hakbang upang lalo pang masiguro na walang nasasayang na tubig at mapababa ang “Non-Revenue Water o NRW” ng ahensya.

Ang mga proyektong ito ay inaasahang magpapataas ng kapasidad ng water district at magtitiyak ng mas matatag, sapat, at tuluy-tuloy na suplay ng malinis na tubig para sa mga kasalukuyan at susunod pang henerasyon ng mga konsesyonaryo.

Nakiisa sa okasyong ito ang mga panauhing pandangal na nagpahayag ng kanilang suporta sa patuloy na pag-unlad ng BWD. Kabilang sa kanila sina LWUA Administrator Atty. Jose Moises "Joy" Salonga, Baliwag City Vice Mayor Ferdie Estrella, Former Rep. Apol Pancho, bilang kinatawan ni Rep. Augustina "Ditse Tina" Pancho ng ika-2 distrito ng Bulacan, Water.Org’s Senior Partnership Account Manager Irmina Iya, at Baliwag City Administrator Eric Tagle.

Sa kanilang mga mensahe, binigyang-diin nila ang mahalagang papel na ginagampanan ng BWD sa pagpapaunlad ng lungsod at sa patuloy nitong pagbibigay ng episyente, maaasahan, at dekalidad na serbisyo sa publiko.

Binigyang diin din ang pagiging huwaran ng BWD sa larangan ng lokal na patubigan sa buong bansa at kung paanong isa na ito ngayon sa mga kinikilalang water district dahil sa mga inisyatiba nito sa maayos na pamamahala, mga programa para sa pangkalahatang pag-papaunlad ng komunidad, pagpapahalaga sa kalikasan, at pagtitiyak na maipamamana ang yaman ng tubig sa mga susunod pang henerasyon

Pagkilala sa mga "Bayani ng Tubig"

Hindi magiging ganap na matagumpay ang pagdiriwang ng ika-37 anibersaryo kung wala ang hindi matatawarang dedikasyon ng pamunuan at ng bawat kawani ng BWD. Sila ang tunay na mga "Bayani ng Tubig"—mga lingkod na nananatiling handang tumugon sa kanilang tungkulin, umulan man o umaraw, may bagyo man o panahon ng krisis, upang matiyak na may sapat, ligtas, at malinis na tubig na dumadaloy sa bawat tahanan.

Kasama ng bawat patak ng tubig na umaabot sa mga kabahayan ang kanilang sipag, sakripisyo, at malasakit sa komunidad. Ang kanilang tahimik ngunit mahalagang paglilingkod ang naging pundasyon ng tiwala at patuloy na pag-unlad ng BWD sa loob ng 37 taon.

Nagpaabot din ng taos-pusong pasasalamat ang pamunuan sa lokal na pamahalaan, mga katuwang na ahensya, at higit sa lahat, sa mga konsesyonaryo na patuloy na nagtitiwala at sumusuporta sa mga programa at adhikain ng water district.

"Ang bawat patak ng tubig na aming ihinahatid ay sumasalamin sa aming pangako ng katapatan, kalidad, at mahusay na serbisyo. Ang ika-37 taon na ito ay patunay na ang Baliwag Water District ay hindi lamang tagapaghatid ng tubig, kundi isang matatag na kabalikat sa pagbuo ng mas maunlad at mas magandang kinabukasan para sa bawat pamilyang Baliwagueño."

— GM Engr. Ma. Victoria E. Signo

Patuloy na Pagdaloy ng Serbisyo

Higit pa sa pagdiriwang ng isang anibersaryo, ang pagpapasinaya ng B.S. Aquino Pumping Station, Sabang-Carpa Pumping Station, at ang “Groundbreaking” ng BWD Water Infiltration Gallery ay sumisimbolo sa patuloy na pagsulong ng Baliwag Water District tungo sa mas moderno, episyente, at napapanatiling sistema ng pamamahala ng tubig.

Sa mga susunod na taon, inaasahan ang pagpapatuloy ng mga proyektong nakatuon sa pagpapalawak ng saklaw ng serbisyo, modernisasyon ng mga pasilidad, at pagpapatupad ng mga programang pangkalikasan at pangkomunidad.

Sa loob ng 37 taon, napatunayan ng Baliwag Water District na ang tunay na sukatan ng serbisyo ay hindi lamang ang dami ng tubig na naihahatid, kundi ang tiwala, malasakit, at dedikasyong ipinapadama nito sa bawat mamamayan.

Maligayang Ika-37 Anibersaryo, Baliwag Water District! Patuloy nawang umagos ang pagtatagumpay at dumaloy ang serbisyong tapat, dekalidad, at maaasahan para sa bawat Baliwagueño.