Buong sigla at giliw na nakiisa ang
Baliwag Water District (BWD) sa taunang
Buntal Festival 2025: Parada ng mga Karosa, na ginanap noong Mayo 27, 2025 sa sentrong bayan ng Baliwag. Isa ang BWD sa mga pangunahing ahensya ng pamahalaan na nagpakitang-gilas sa pamamagitan ng kanilang makulay at makabuluhang karosa na dinisenyo mismo ng mga piling empleyado ng distrito.
Ang disensyo ng karosa ay nagsilbing salamin ng misyon ng BWD, ang pagbibigay ng malinis, ligtas, at maaasahang suplay ng tubig sa mga mamamayan ng Baliwag. Tampok sa karosa ang mga elementong sumisimbolo sa kalinisan, daloy ng tubig, at modernong teknolohiya sa pamamahala ng suplay ng tubig. Isang higanteng gripo, mga pipes na may tumutulong malinaw na tubig, at mga dekorasyong may temang kalikasan ang naging pangunahing atraksyon sa karosa. Dagdag pa dito ang pagsama ng mascot na si Aguas na siyang nagbigay ng dagdag aliw sa mga mamamayan.
Ang disenyo ng karosa ay resulta ng pagtutulungan ng mga empleyadong may talento sa sining at inobasyon. Mula sa konsepto hanggang sa aktuwal na paggawa, inilaang panahon at kasipagan ang kanilang puhunan upang makalikha ng karosang hindi lamang kaaya-ayang tingnan, kundi makabuluhan rin ang mensahe.
Ang Buntal Festival ay isang taunang pagdiriwang sa Baliwag na nagbibigay-pugay sa makulay na kultura at kasaysayan ng paggawa ng buntal hats. Sa bawat taon, hindi lamang sining at tradisyon ang pinapalaganap nito, kundi pati ang diwa ng pagkakaisa at malasakit ng iba't ibang sektor sa komunidad.
Sa paglahok ng Baliwag Water District sa parada ng karosa ngayong taon, pinatunayan nilang ang serbisyo publiko ay hindi lamang trabaho, kundi isang sining at panata sa bayan.