Baliwag Water District, Pormal nang Naitalaga bilang Regional Training Center ng LWUA

Isang makasaysayang Memorandum of Agreement (MOA) Signing ang isinagawa noong Setyembre 18, 2025 sa pagitan ng Baliwag Water District (BWD) at ng Local Water Utilities Administration (LWUA)na nagbigay akreditasyon sa BWD bilang Regional Training Center sa ilalim ng LWUA. Ang paglalagda ay dinaluhan nina Administrator Atty. Jose Moises Salonga, Deputy Administrator Eileen Dela Vega, at ilan pang mga opisyal at kawani ng Local Water Utilities Administration (LWUA). Sa panig naman ng Baliwag Water District ay sina GM Engr. Ma. Victoria E. Signo,Dir. Conrado E. Evangelista, Dir. Florido Santos, kasama ang ilang piling opisyal at kawani ng ahensya na naging katuwang sa matagumpay na kaganapan. Sa pagkakatalaga bilang Regional Training Center, ang BWD ay magsisilbing pangunahing sentro para sa pagsasanay at pagpapalawak ng kaalaman ng mga water districts sa rehiyon. Bilang isang Regional Training Center, layunin nitong magbigay ng de-kalidad na pagsasanay sa operasyon, pamamahala, at pagpapaunlad ng mga pasilidad ng tubig, upang masiguro ang episyente, makabago, at maaasahang serbisyo para sa mga komunidad. Ang ipinagkaloob na akreditasyon ay makatutulong sa  Baliwag Water District na mas mapapalakas nito ang kakayahang magbigay ng de-kalidad na pagsasanay, mapalawak ang ugnayan at pagkilala bilang lider sa pamamahala ng tubig, makapagbahagi ng kaalaman sa iba pang water districts, at makadagdag sa kita ng ahensya. Samantala, para sa  mga kalapit na water districts at ahensya, mas madali na ang pag-access sa mga pagsasanay at seminar, magkakaroon ng mas maraming pagkakataon para sa pagpapahusay ng kasanayan ng mga empleyado, at higit na mapagtitibay ang ugnayan at pagtutulungan ng mga distrito sa rehiyon. Patunay ang pagkakatalaga sa BWD bilang Regional Training Center na ang  mga nakalaang state of the art facilities nito ay nakakasabay sa pandaigdigang pamantayan sa larangan ng training facilitation para sa pagdaraos ng iba’t ibang pagsasanay at seminar. Higit pa rito, mayroong mga Subject Matter Experts (SMEs) ang ahensya na may sapat na husay at angkop na kaalaman na nagsisilbing garantiya sa mataas na kalidad ng pagbabahagi ng kanilang kasanayan at karanasan. Ang hakbang na ito ay isang malinaw na patunay ng patuloy na paglago at dedikasyon ng Baliwag Water District (BWD)at ng LWUA sa pagpapatibay ng kakayahan at kapasidad ng mga water districts, na naglalayong magtaguyod ng mas episyente, makabago, at de-kalidad na pamamahala ng serbisyong tubig para sa kapakinabangan ng mga komunidad sa rehiyon.