BWD Napanatili ang kanilang ISO 9001:2015 Certification

Matagumpay na napanatili ng Baliwag Water District (BWD) ang kanilang ISO 9001:2015 Certification matapos ang isinagawang Surveillance Audit noong Oktubre 1, 2025 sa kanilang tanggapan. Ang naturang pagsusuri ay pinangunahan ng TUV Rheinland, sa pamumuno ni Team Lead Auditor Michelle Pestañas, kasama ang kanyang grupo. Ang ISO 9001:2015 ay isang pandaigdigang pamantayan para sa Quality Management System (QMS) na naglalayong tiyakin ang kahusayan, pagiging epektibo at episyente ng isang institusyon. Bukod dito, ito ay nakatuon sa patuloy na pagpapabuti ng mga proseso at serbisyo. Sa pamamagitan ng nasabing surveillance audit, masusing sinuri ang iba’t ibang operasyon ng BWD upang matiyak na ito ay alinsunod pa rin sa itinakdang pamantayan ng ISO. Matapos ang pagsusuri idineklara na ang BWD ay walang non-conformity, ang resultang ito ay patunay na ang tanggapan ay patuloy na tumutupad sa kanilang layunin na magbigay ng maaasahan, de-kalidad, at episyenteng serbisyo sa publiko. Ang positibong kinalabasan ng pagsusuri ay hindi lamang nagpapatunay sa kahandaan ng ahensya na panatilihin ang mataas na pamantayan sa pamamahala, kundi pati na rin sa kanilang pangako sa transparency, accountability, at customer satisfaction. Ang muling pagkakapanatili ng sertipikasyon ay isang mahalagang tagumpay na magsisilbing inspirasyon sa BWD upang higit pang pagbutihin ang kanilang serbisyo at mas mapabuti ang sistema ng operasyon para sa kapakanan ng mga konsyumer. Sa pamamagitan ng patuloy na pakikipagtulungan at dedikasyon ng bawat kawani ng Baliwag Water District, napatunayan na kayang maabot at mapanatili ang pandaigdigang pamantayan ng kalidad. Ito ay patunay ng kanilang matibay na pangako na magbigay ng de-kalidad na serbisyo at patuloy na pag-unlad tungo sa ikabubuti ng komunidad.