ISANG FOUNDATION MULA SA BANGLADESH, BUMISITA SA BALIWAG WATER DISTRICT

Isang mahalagang hakbang tungo sa internasyonal na kooperasyon at palitan ng kaalaman ang isinagawa noong Hulyo 25, 2025 sa Multi-purpose Hall ng Baliwag Water District (BWD).Isang matagumpay na benchmarking activity ang isinagawa sa Baliwag Water District (BWD) sa tulong ng Mariano Marcos State University (MMSU) bilang facilitator ng programa na dinaluhan ng mga opisyal mula sa Palli Karma Sahayak Foundation (PKSF) ng Bangladesh.
Ang delegasyon ay binubuo ng anim na kinatawan mula sa PKSF, Bangladesh; isang Indian Program Officer mula sa Asian Institute of Technology Extension; at limang kawani at student interns mula sa Mariano Marcos State University (MMSU).
Layunin ng nasabing pagbisita na matutunan at maunawaan ng PKSF ang mga makabagong pamamaraan ng Pilipinas sa pamamahala ng tubig at sanitasyon, pati na rin ang mga proyektong pangkomunidad ukol sa Water, Sanitation, and Hygiene (WASH).
Pinangunahan ang buong aktibidad ni G. Rodolfo T. De Leon, na nagsilbing tulay sa pagitan ng mga lokal na eksperto at dayuhang bisita. Ipinamalas ng Baliwag Water District (BWD) ang kanilang kahusayan sa tatlong pangunahing aspeto sa pamamagitan ng piling mga presentasyon. Si G. Rodolfo Cruz ang nagtampok ng Water Access Management, kung saan tinalakay niya ang mga estratehiya ng BWD sa pagbibigay ng malinis at abot-kayang tubig sa mga konsesyonaryo. Si Engr. Norman Ragil naman tinalakay ang operasyon ng Septage Treatment Plant ng BWD, na nagsisilbing mahalagang bahagi sa pangangalaga sa kalikasan at kalusugan ng publiko sa pamamagitan ng maayos na pamamahala ng septage o dumi sa poso negro.Samantala, si Bb. Cheenee Kea D. De Leon ang nagpakita ng mga programang pangkomunidad ng BWD sa ilalim ng Corporate Social Responsibility (CSR), kabilang ang mga proyekto sa paaralan, komunidad, at ang pagbabahagi ng mga handwashing facilities.Ang aktibidad ay nagsilbing daan hindi lamang sa pagbabahagi ng kaalaman kundi ay ito rin ay simbolo ng pagkakaisa pagdating sa pagsulong ng sustainable development sa sektor ng tubig at sanitasyon.
Sa pagtatapos ng programa, nagpahayag ng pasasalamat ang mga kinatawan ng PKSF sa init ng pagtanggap at sa mahahalagang kaalamang kanilang nakuha mula sa BWD.
Ang ganitong uri ng kolaborasyon ay patunay na walang hangganan ang pagkatuto at pag-unlad. Bawat karanasan lokal man o internasyonal ay may mahalagang maiaambag sa pagsulong ng ating mga komunidad. Sa pagtutulungan at palitan ng kaalaman, mas napapanday ang mga makabuluhang inisyatibo para sa mas ligtas, malinis, at sustenableng pamumuhay. Patuloy namang pinatutunayan ng Baliwag Water District ang kanilang bukas-palad na pagtanggap sa mga kapwa tagapaglingkod, anuman ang lahi o institusyong kinabibilangan, upang maging katuwang sa layunin ng pagpapabuti at pangangalaga sa ating yamang tubig at kalikasan.