KOLABORASYON TUNGO SA KAHUSAYAN NG BALIWAG WATER DISTRICT AT SAN PABLO CITY WATER DISTRICT

Bilang bahagi ng patuloy na pagpapaunlad ng organisasyon at alinsunod sa pagkakahirang nito bilang isang Regional Training Center, ang Baliwag Water District (BWD) ay nagsagawa ng Benchmarking Activity hinggil sa Regional Training Center Operations at Strategic Performance Management System (SPMS) sa San Pablo City Water District (SPCWD) noong Oktubre 7, 2025. Layunin ng aktibidad na ito na higit pang mapaunlad ang kakayahan ng mga kawani ng BWD sa pamamahala ng mga pagsasanay at pagpapatupad ng mga performance management systems sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga best practices na ipinatutupad ng SPCWD. Sa pamamagitan ng benchmarking ay nabigyan ng pagkakataon ang mga kalahok na obserbahan at matutunan ang mga epektibong pamamaraan sa pagpaplano, pagpapatupad at pagsusuri ng mga programa sa pagsasanay na nakatuon sa pagpapabuti ng performance ng mga empleyado. Patuloy ang hangarin ng BWD na itaguyod ang kahusayan, inobasyon, at episyenteng paghahatid ng serbisyo publiko. Ang naturang benchmarking ay dinaluhan ni AGM Ma. Teresa F. Ramos, ng RTC Team na pinangungunahin nina Gng. Eloisa E. Ramos at G. Rodolfo T. De Leon at iba pang mga miyembro. Ang grupo ay nakibahagi sa mga talakayan at obserbasyon hinggil sa mga sistema, proseso, at operasyon ng SPCWD bilang bahagi ng pagpapalalim ng kanilang kaalaman at karanasan. Sa pamamagitan ng aktibidad na ito, layunin ng BWD na higit pang patatagin ang kakayahan nito bilang bagong Regional Training Center, upang matiyak ang tuloy-tuloy na pag-unlad ng mga tauhan at mga dadalo dito upang makapagbigay ng mataas na antas ng serbisyo para sa publiko. Nagpahayag ng pasasalamat ang pamunuan ng Baliwag Water District sa San Pablo City Water District sa kanilang mainit na pagtanggap at bukas-palad na pagbabahagi ng kanilang mga kaalaman at karanasan. Ang ganitong uri ng kolaborasyon ay isang mahalagang hakbang tungo sa pagpapalakas ng ugnayan sa pagitan ng mga ahensya at sa pagtataguyod ng kultura ng kahusayan sa sektor ng serbisyo ng tubig.