Hulyo 1, 2023 (Sabado), sumapit sa ika-34 na anibersaryo ang Baliwag Water District (BWD) at ito ay ipinagdiwang noong Hulyo 3, 2023 (Lunes). Sinimulan ito sa pagdaraos ng banal na misa sa BWD Multi-Purpose Hall at kasunod nito ang inagurasyon ng dalawang bagong tayong Storage Facility o imbakan ng tubig na matatagpuan sa Brgy. Sta. Barbara at Brgy. Sabang. Kasabay din nito ang seremonyal na pagbubukas ng gate valve para sa panibagong linya ng tubig na may habang labindalawang kilometro, at ang turn-over ng kaunaunahang Eco - Handwashing Facility para sa mataas na paaralan ng Mariano Ponce.
Sa pangunguna ng Iginagalang na kinatawan ng Distrito Dos ng Bulacan, Augustina Dominque “Ditseng Tina” Pancho at mga panauhin mula sa Civil Service Commission (CSC) Region 3 Director Fernando Mendoza at Local Water Utilities Administration (LWUA) Deputy Administrator Eileen Dela Vega gayundin ng mga Board of Directors ng BWD ay pinasinayaan ang mga bagong pasilidad ng BWD sa ating lungsod.
Si Rev. Fr. Narciso S. Sampana, kura paroko ng St. Agustine Church naman ang nagbigay basbas sa mga pasilidad na ito na nilalayong makadagdag sa suplay ng tubig sa buong Baliwag.
Naging bahagi din ng programa si Gng. Veronica “Tita Vernie” Gonzalez na s’ya namang nagkaloob ng lote na kinatitirikan ng Sta. Barbara Storage Tank na may kapasidad na 650 cubic meters samantalang ang bagong Sabang Storage Tank naman ay may kapasidad na 500 cubic meters.
Itinayo ang Sta. Barbara Storage Tank upang makapaghatid ng karagdagang suplay ng tubig sa Brgy. Sta. Barbara at maging sa mga kalapit nitong barangay tuwing peak hours. Ang mga konsesyonaryo naman sa Brgy. Sabang, Tibag at Subic ang makikinabang sa inaasahang mas malakas na pressure ng tubig na hatid ng itinayong tangke sa Brgy. Sabang.
Ang Ceremonial Gate Valve Opening ng bagong labindalawang kilometrong Horizontal Directional Drilling (HDD) Transmission Line Project ng Baliwag Water District na syang karagdagang linya ng tubig ay bilang paghahanda sa paparating na Bulk Water Supply sa taong 2025.
Maliban sa inagurasyon ng mga bagong pasilidad na ito ng BWD, mas naging espesyal ito dahil pormal din na inihandog ang kauna-unahang Eco-Handwashing Facility ng BWD sa Mariano Ponce National High School. Ang pagkakaloob nito ay pinangunahan ng Punong Tagapamahala ng BWD na si Engr. Ma. Victoria Estrella Signo, Direktor Florido Santos, Direktor Conrado Evangelista, Direktora Victoria Canoza, Direktora Hazel Munsayac at ang City Administrator ng Lungsod ng Baliwag, G. Eric Tagle.
Ito ay bunga ng ating inilunsad na programang “EEEWWW na Plastic Gawing WOW Fantastic Brick” kung saan ang BWD ay nakipag ugnayan sa mga pampublikong paaralan upang hikayatin ang mga mag aaral at mga guro na sinupin at mag dala ng mga plastic bottles na sya namang ipoproseso sa isang upcycling facility upang magamit sa pagbuo ng mga eco-bricks at kalaunan ay magagamit narin sa hand washing facilities na ating pinagkakaloob sa mga eskwelahan.
Nagkaloob din tayo ng 600 piraso ng Eco-Pavers na mula din sa mga Plastic Waste na ating nakolekta upang magamit na karagdagang daan ng mga mag aaral upang maiwasan na sila ay lumusong pa sa baha ngayong panahon ng tag-ulan.
Talaga ngang napakalaking tulong ng proyektong ito upang mabawasan ang kalat sa ating Lungsod at nakatulong pa tayo sa inang kalikasan. Ang mga nabanggit na proyektong ito ay patunay lamang na ang BWD ay tapat sa mandato nito na maghatid ng mahusay at katangi-tanging serbisyo sa ating kapwa Baliwagenyo sa loob ng Tatlumpu’t apat na taon. At ito ay ating nagawa dahil sa sama-samang pagtutulungan ng lahat ng ating mga kawani, mga kasalukuyan at nagdaang patnugot at mga tagapamahala at lahat ng naging katuwang natin sa ibat-ibang ahensya at organisasyon.
Ang BWD ay lubos din nagpapasalamat sa ating mga konsesyonaryo na patuloy na tumatangkilik sa ating serbisyo.