BWD, Nagdiwang ng Ika-35 Anibersaryo sa Pamamagitan ng mga Makabuluhang Aktibidad
Sa paggunita ng kanilang ika-35 na anibersaryo, nagdaos ng iba't ibang aktibidad ang Baliwag Water District upang ipakita ang kanilang dedikasyon sa serbisyong pampubliko at pagpapaunlad ng komunidad.
Isa sa mga aktibidad ay ang pamamahagi ng souvenir item bilang munting regalo sa mga random na konsesyonaryo bilang pasasalamat sa kanilang patuloy na suporta at pagtangkilik. Tatlumpu’t limang (35) konsesyonaryo kada araw ang nakatanggap ng souvenir item mula Hunyo 18 hangang 28. Ang mga munting regalo na ito ay sumisimbolo sa pagpapahalaga ng BWD sa kanilang mga mga konsesyonaryo.
Hunyo 26 naman ay nagkaroon ng inagurasyon ng mga bagong pumping stations na magsisilbing bahagi ng pagpapabuti ng mga pasilidad at serbisyo ng BWD. Tatlong bagong pasilidad ang pinasinayahan, ito ay ang Tarcan-Makinabang Pumping Station, Provident (Tilapayong) Pumping Station, at San Roque Pumping Station. Ang mga bagong istrukturang ito ay inaasahang magbibigay ng mas maayos, mas malakas at sapat na pressure ng tubig at episyenteng serbisyo sa mga mamamayan.
Bukod dito, nagsagawa ng sabayang paglagda ng "Memorandum of Understanding" (MOU) sa pagitan ng BWD, City Government of Baliwag, Mga Kapitan ng bawat Barangay sa ating lungsod, at Chemical Research Industrial Sales Inc.. Naganap ang paglalagda noong Hunyo 27 at ito ay naglalayong pagtibayin ang pagtutulungan upang mas mapabilis ang pag-aksyon sa anumang isyu patungkol sa suplay ng tubig at sanitasyon. Napakaloob din ang mga probisyon na mas masiguro ang kaligtasan at kaginhawahan ng mga mamamayan ng Baliwag habang iniingatan pa rin ang kalikasan. Kasama na din dito ang pakikipagtulungan sa plastic waste upcycling upang gawing bagong produkto na may mataas na halaga ang mga kalat na nagdudulot ng masamang epekto sa kalikasan at kalusugan. Dagdag pa dito ang pakikipag-ugnayan para magsaliksik na maisama ang sludge cake bilang bahagi ng pagbuo ng eco-brick na siyang ginagamit natin sa pagpapatayo ng mga eco-handwashing facility.
Ang mga aktibidad na ito ay patunay ng patuloy na pagsisikap ng BWD na mapabuti ang kanilang serbisyo at maging katuwang ng bawat mamamayan sa pag-unlad ng komunidad at kalikasan.