Ang World Water Day ay ginugunita sa buong mundo sa tuwing sasapit ang buwan ng Marso. Ito ay may adbokasiyang pangalagaan ang yamang tubig at umaksyon upang makatulong sa mga krisis sa tubig. Ang tema para sa taon na ito ay “Water for Peace”, na naglalayon na pagkaisahin ang bawat indibidwal, pamilya, kumpanya at iba’t iba pang mga samahan na gawin ang kanilang makakaya para sa tubig at para sa mas mapayapang komunidad. Bilang pakikiisa ngayong taon ay naglunsad ang Baliwag Water Distict ng Clean-Up Drive pati na rin ang Free Leak Audit at Basic Repair.
Ang Clean-Up Drive ay matagumpay na nailunsad sa Dike ng Barangay Poblacion noong Marso 21, 2024. Katuwang ng BWD ang City Environment and Natural Resources Office (CENRO),Pamahalaang Barangay Poblacion, Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at JCI Baliwag Buntal. Naging tulong ang ginawang paglilinis sa layuning maibalik ang maayos at malinis na ilog para na rin sa kaligtasan at kalusugan ng mga taong nakatira malapit dito. Matapos ng nasabing paglilinis ay nagkaroon din ng paghahandog ng mga kagamitang panlinis kagaya ng mga walis,dustpan,sako,pala,kalaykay at mga basurahan na tinanggap ni Barangay Kagawad Aldrin Merciades at Barangay Kagawad Joel Barcelona para sa kanilang barangay. Ito ay munting handog ng BWD sa Barangay Poblacion upang maipagpatuloy nila ang mga ganitong gawain upang mas maging malinis ang ilog at paligid nito.
Kasabay ng unang programa, ilang piling paaralan sa siyudad ng Baliwag ang pinuntahan ng BWD upang handugan ng Free Leak Audit at Basic Repair. Sa pangunguna ng kawani ng Pipelines and Leakage Control Division, napuntahan ang mga piling paaralan upang suriin ang linya ng tubig at ayusin ito kung kinakailangan. Ang programang ito ay nasimulan noong Marso 18 at natapos ng Marso 21 at layunin nito na makabawas sa nasasayang na tubig mula sa mga sirang linya. Limang (5) paaralan ang naging benepisyaryo at ito ay ang Subic Elementary School sa Barangay Subic, Dr. Guillermo G. Dela Merced Memorial School sa Barangay Barangca, Dr. Nicolas V. Rustia Memorial School sa Barangay Piel, Hinukay Elementary School sa Barangay Hinukay at Paitan Elementary School sa Barangay Paitan.
Patuloy na sisikapin ng BWD na gumawa ng iba’t ibang mga programa na makakatulong sa pagprotekta sa kalikasan at maghandog ng Serbisyong may Malasakit sa bawat mamamayan.